Posted by: iylphilippines | February 1, 2008

MENSAHE NI G. KOICHIRO MATSUURA

DIREKTOR-PANLAHAT NG UNESCO,
SA PAGDIRIWANG NG 2008, PANDAIGDIGANG TAON NG MGA WIKA

“MAY KABULUHAN ANG MGA WIKA!”

Ang taong 2008 ay naiproklamang Pandaigdigang Taon ng mga Wika ng Asambleya Pangkalahatan ng United Nations.  Ang UNESCO na siyang nakatalagang mag-ugnay-ugnay ng mga aktibidad para sa Taon,  ay determinadong gampanan ang tungkulin nito bilang namumunong ahensiya.

Ganap na nauunawaan ng Organisasyon ang mapagpasyang kahalagahan ng mga wika sa gitna ng mga hamon na kinakaharap ng sangkatauhan sa sumusunod na mga dekada.

Tunay na mahalaga ang mga wika sa identidad ng mga grupo at indibiduwal at ng kanilang mapayapang pakikipamuhay sa isat isa.  Ang mga ito ay estratehikong sangkap para maging tuluy-tuloy ang pag-unlad (sustainable development)  at  magkaroon ng maayos na pag-uugnayan ang global at lokal na kapaligiran.

Importante ang mga wika  sa pagkamit ng anim na layunin ng edukasyon para sa lahat (education for all o EFA) at ng Millenium Development Goals (MDGs) na pinagkasunduan ng UN noong 2000.

Bilang mahalagang sangkap ng integrasyong panlipunan,  gumaganap ng estratehikong papel ang mga wika sa pagsugpo sa malubhang karalitaan  at kagutuman (MDG 1);  bilang suporta sa literasiya,  pagkakatuto at kasanayan-sa-buhay ay mahalaga ang mga ito sa pagkamit ng edukasyong pamprimarya para sa lahat (MDG 2);    ang pakikibaka laban sa HIV/AIDS,  malaria at iba pang sakit (MDG 6) ay kailangang ilunsad gamit ang wika ng mga apektadong  populasyon para sa mas mabisang pag-unawa;  at mahigpit na nakaugnay sa mga lokal at katutubong wika  ang proteksyon  sa kaalaman at kaparaanang lokal at pangkatutubo upang matiyak na magiging tuluy-tuloy ang pag-unlad (sustainable development [MDG 7]).

Dagdag dito,  ang dibersidad pangkultura ay may malapit na kaugnayan sa dibersidad pangwika,  gaya ng nakasaad  sa Deklarasyong Pandaigdig ukol sa Dibersidad Pangkultura ng UNESCO at ang planong pang-aksyon (2001),  ang Kumbensyon sa Proteksyon ng mga Di-Nahahawakang Pamanang Pangkultura  (Intangible Cultural Heritage)  at  ang Kumbensyon para sa Proteksyon at Pagsusulong ng Dibersidad ng mga  Sawikaing Pangkultura (2005).

Gayunpaman,  pagkaraan ng ilang henerasyon ay mawawala ang mahigit na 50% ng 7,000ng wikang  sinasalita sa buong daigdig.    Walang isang kapat ng mga wikang ito ang ginagamit ngayon sa mga eskuwelhan at cyberspace,  at  karamihan ay ginagamit lamang nang panaka-naka.  May ilang libong wika–kahit na kabisado ng mga populasyon na gamitin ang mga ito sa pang-araw-araw—ay hindi matatagpuan sa mga sistemang pang-edukasyon,  sa midya,  publikasyon at sa pampublikong larangan sa panlahatan.

Kailangan nating kumilos agad.  Paano?  Sa pamamagitan ng paghihikayat at pagpapaunlad ng mga patakarang pangwika na  makatutulong sa mga pamayanang pangwika na gamitin ang kanilang unang wika o wikang kinagisnan,  sa pinakamalawak at pinakaposibleng paraan,  kabilang na rito ang sa edukasyon,  pero kasabay nito ay kailangang matuto rin ang nasabing mga pamayanan ng isang pambansa o pangrehiyong wika at ng isang wikang pandaigdig.  Gayundin, kailangang hikayatin  ang mga tagapagsalita ng isang dominanteng wika na matuto ng isa pang wikang pambansa o pangrehiyon at ng isa o dalawa pang wikang pandaigdig.  Sa sandaling ang multilinggwalismo ay natanggap na nang ganap,  noon lamang magkakaroon ng puwang ang lahat ng wika sa ating globalisadong daigdig.

Inaanyayahan ng UNESCO ang lahat ng pamahalaan,  organisasyong pang-UN,  organisasyon ng lipunang sibil,    institusyong pang-edukasyon,  asosasyang pampropesyonal at iba pang stakeholder na dagdagan ang kanilang sariling mga aktibidad upang mabigyan ng karampatang paggalang,  maisulong at maprotektahan ang lahat ng wika,  laluna ang mga wikang nanganganib na mawala,  sa lahat ng indibiduwal at kolektibong konteksto.

Maging ito ma’y sa inisyatiba sa edukasyon,  cyberspace at kaligirang pangliterasiya;  maging ito ma’y sa pamamagitan ng mga proyekto upang mapangalagaan ang mga wikang nanganganib na mawala;  o para isulong ang mga wika bilang kasangkapan para sa integrasyong panlipunan;  o para tuklasin ang relasyon ng wika at ng ekonomiya,  wika at katutubong kaalaman,  o  wika at anumang uri ng paglikha—mahalaga na ang ideya na “may kabuluhan ang mga wika!” ay kailangang mapalaganap sa lahat ng dako.

Ang petsa na Pebrero 21, 2008,  na siyang ika-9 na Pandaigdigang Araw ng Wikang Kinagisnan,  ay magkakaroon ng espesyal na kabuluhan at magsisilbing angkop na araw para mapasinayaan ang mga insiyatiba sa pagsusulong ng mga wika.

Ang aming komon na layunin ay upang tiyakin na ang importansya ng dibersidad panglinggwistika at ng multilinggwalismo sa mga sistemang pang-edukasyon,  pang-administratibo at legal,  mga sawikaing pangkultura at ng midya,  cyberspace at kalakalan,  ay makilala sa antas pambansa,  pangrehiyon at pandaigdig.

Magkakaloob ng pambihirang pagkakataon ang Pandaigdigang Taon ng mga Wika 2008 para gumawa ng mapagpasyang mga hakbang  upang makamit ang mga layuning ito.

KOICHIRO MATSUURA


Leave a response

Your response:

Categories